Showing posts with label Radio Drama Writers. Show all posts
Showing posts with label Radio Drama Writers. Show all posts

Tuesday, December 28, 2010

CORAZON CRUZ DE JESUS ( Radio Drama Writer)


(Tita Lolit Del Mundo (Drama Talent) at Tita Corazon Cruz de Jesus)

Si Corazon Cruz De Jesus ay ilang dekada na rin sa pagsusulat ng mga Radio Drama Script. Isa si Tita Cora sa mga writer na nakapalagayang loob ko dahil sa kaniyang prinsipyo at pagiging totoong tao.

Ayon sa kaniyang pagkukuwento sa akin....1960’s ng mapadpad siya sa radio. Hindi pagsusulat ang nais niya n’un kundi ang maging isang dramtista o radio talent. Ipinakilala siya kay Mr. Augusto Victa ng isang reporter/writer na si Ric Aquino.

Subalit naudlot ang kaniyang pagiging dramatista dahil sa pagtutol ng kaniyang ina. Dahil ng panahong ‘yon ay isang malaking balita ang tungkol sa nangyari kay Margie Dela Riva.

Nag-aral siya ng kolehiyo sa Bryant Stratton College sa Santiago Illinois sa United States of America. Dahil sa iba’t ibang pangyayari ay nagbalik siya ng bansa taong 1982. Dito na nag-umpisa ang kaniyang pagsusulat sa radio. Una siyang nagsulat sa VG Productions sa mga programang....Ito Ang Palad ko, Ito kaya’y Pag-ibig, at Sa Lilim ng Ninikat na Araw ng DZRH. Naging kaibigan niya rin si Ped Tiangco ang sumulat ng di malilimutang Radio Drama...ang ZIMATAR.

Nagsulat din siya sa Broadcast City sa DWWW...ito ay ang mga programang Munting Pangarap ni Mely Tagasa at 24 Oras!

Sa ngayon kasama ko si Tita Cora sa DZRH kung saan pareho kaming nagsusulat ng mga Radio Drama. Ilan sa mga Dramang sinusulatan niya ay ang...Hinding hindi ko Malilimutan, Mr. Romantiko at Hukumang Pantahanan.

Wednesday, July 8, 2009

DIDIT MARASIGAN (Writer /Translator)


Si Didit Marasigan ...ay isa sa kasama kong radio drama writer sa DZRH. May sarili siyang tatak at atake sa pagsusulat. Iyon ang aking nakita sa kaniya. Masayang kausap at hindi maramot mag-share ng kaniyang kaalaman sa writing. Mas senior siya sa akin pagdating sa radio script writing kaya alam kong marami rin akong matututunan sa kaniya. Pero ang katotohanan ay hindi ang pagsusulat sa radio drama ang una niyang naging interes kundi ang pagiging radio drama talent.

Taong 1982...ayon sa kaniya ng magpadpad siya sa radio station sa Broadcast City kung saan naroon ang station na DWWW. Isinama siya roon ni Rose Tonido na isa ring drama talent. Nag-audition siya na maging radio drama talent kay Fely Salvahan, pinalad naman na makapasa at naging trainee. Doon niya unang nakita at nakilala si Vilma Borromeo at Chiquit Amor (mga radio talent din) Naging trainee siya sa radio dramang "Munting Pangarap" kung saan bida ang dating artista na si Lenny Santos at ang namayapang si Ben David ang direktor. Ayon pa sa kaniya takot na takot siya kapag nagkakamali dahil pinandidilatan siya ng direktor. Subalit naging hamon sa kaniya 'yon upang pagbutihin ang kaniyang ginagawa.

Sa radio station namang DWXI..na nasa Paranaque pa ang Station noon...ang nagbigay sa kaniya ng daan sa pagsusulat ng radio script sa pagtuturo ni Ben Clamosa. Ayon din sa kaniya naging malaking impluwensiya din ng estilo niya sa pagsusulat si Bernard Canaberal na dati'y isang Writer -Director din ng Drama sa DZRH.

Ayon kay Didit..."Destiny has paved the way for more opportunities!" Katunayan bukod sa pagsusulat ng radio drama sa DZRH...tulad ng Mr. Romantiko, Hinding Hindi ko Malilimutan at Mga Kasaysayan sa Liham kay Tiya Dely...nagsusulat din siya sa DZMM sa programang Maalaala mo Kaya. Translator din siya ng mga Anime TV-series at ilang Koreanovela.

Sa ngayon hindi na siya aktibo bilang radio drama talent kundi ang pagsusulat ng script at pagta-translate ang kaniyang pinagkakaabalahan. Mas gusto niya na sa bahay lang siya nagtatrabaho kasama ang kaniyang laptop computer upang magkaroon siya ng panahon sa kaniyang pamilya na mas binibigyan niya ng pagpapahalaga.

Saturday, July 4, 2009

ALEX ARETA (Komiks and Radio Drama Writer)

Isang larawan na kuha sa tahanan ni Edna Diaz (naging misis ni Alex). Mula sa kaliwa gawing likuran , ako (ganie), Rose Ferrer, Edna Diaz, Gigi Masigla, Lot Mercado at Alex Areta. (Mga komiks Writer)



Isa sa dati kong kasamahan sa komiks si Alex...di matatawaran ang kaniyang kakayahan sa pagsusulat. Nang magsimula ako sa komiks...isa na siya sa mabentang writer dahil sa estilo ng kaniyang pagsusulat. May kalaliman ito at talagang merong nilalaman.

Ayon sa kaniyang mga kuwento sa akin naging editor din siya ng komiks ng MASS MEDIA PUBLICATION at hinawakan niya roon ang mga komiks na SAMURAI, 143 Komiks, at MURDER Komiks ng kung ilang taon, subalit mas pinili niya ang maging freelance writer ng mga panahon na kasikatan pa ng mga komiks.

Marami din siyang naisulat na pocket books....na alam kong nagpaibig at nagpakilig sa mga mambabasa. Kung nawala man ang pangalang Alex Areta sa mga cover ng Tagalog pocketbooks...di ibig sabihin noon ay di na siya nagsusulat. Patuloy pa rin siya subalit sa pangalang ALTHEA ARETA. Ginamit niya ang pangalan ng kaniyang nag-iisang anak na babae. Siya ang naging bunga ng pagmamahalan nila ng isa ding dating komiks writer na si Edna Diaz.

Ngayong wala na ang komiks...hindi pa rin siyempre natatapos ang pagiging writer ni Alex dahil ang isang magaling na manunulat na kagaya niya ay laging merong mapupuntahan. Sumusulat siya ng serialized story sa tabloid at ilang horror magasin. Maging ang pagsusulat ng script sa radio drama ay napasok niya.. writer siya ngayon ng MAALALALA MO KAYA radio drama over DZMM. Maging sa ITO ANG PALAD ko ng DZRH under VG Productions kaya patuloy niyang ibinabahagi ang kaniyang talento sa larangan ng pagsusulat. Maririnig ang kaniyang mga isinulat na kuwento sa mga nabanggit kong radio drama program.

Mas lalo kung nakilala ang isang magaling na writer na si Alex Areta ng makasama ko siya sa pagsusulat sa radyo. Kahit mas nauna ako sa kaniya sa pagsusulat ng radio drama script masasabi kong kakaiba ang estilo ni Alex...bagay na kaniyang kaniya lamang.


Friday, June 12, 2009

Sino si Mr. Romantiko?


Ang Mr. Romantiko ay isang radio- drama program sa DZRH...na sa ngayon ay ini-ere tuwing ala una hanggang ala una y medya ng hapon...lunes hanggang Sabado. Isa itong love story...na ang bawat kasaysayan ay nilalakipan ng love song. Na sa dakong huli ng drama...ay naroon ang pagbabasa ng tula at pagbati mula sa mga listener at ito'y binabasa ni Mr. Romantiko. Para sa akin...pang Masa ang format ng programa. Isa ako sa pinagkatiwalaang sumulat ng mga kasaysayan dito. Marami rami na ring kasaysayan ang aking naisulat dito...dahil nag-umpisa akong maging writer nito noon pang 2001. Kasama kong writer din dito si Corazon Cruz De Jesus at Didith marasigan. Mula ito sa direction ng isa sa magaling at haligi ng radio drama sa Pilipinas...isa rin siyang character actress sa TV at pelikula...si Ms. Luz Fernandez na kung tawagin ng mga kaibigan at kakilala particular sa drama production ay "Ditse"


Pero...sino nga ba ang nasa likod ng malamig at makatang pagbabasa ng tula? Sino ba si Mr. Romantiko? Siya po si Mr. Salvador Royales...na siyang may concepto rin ng nasabing programa. Isa siyang magaling na writer sa radio at pelikula. Ayon sa kaniyang kuwento sa akin...siya ang kauna-unahang sumulat ng Maalala Mo Kaya sa ABS-CBN...na may pamagat na "Sapatos". Marami siyang isinulat na pelikula sa Seiko Films...at may mga Radio Drama rin siya na ginawang pelikula....isa sa natatandaan ko ang "Kailan Mahuhugasan ang Kasalanan" at "Kapag Langit Ang Humatol" na pinagbidahan ni Vilma Santos, na pawang naging block buster. Kaya hindi matatawaran ang angking talino ni Mr. Romantiko sa pagsusulat. Mula sa kaniya marami rin akong natutunan na ini-aapply ko ngayon sa aking pagsusulat sa radio drama. Kaya masasabi ko na mapalad ako na nakilala ko ang isang taong tulad niya.