Showing posts with label Veteran Radio Talents. Show all posts
Showing posts with label Veteran Radio Talents. Show all posts

Monday, March 7, 2011

BETTY ROXAS (Veteran Radio Drama Talent)


Isa sa BETTY ROXAS sa mga nakilala ko at inabutan kong drama talent ng mapasama ako sa Drama Production ng DZRH bilang contributing writer. Hindi matatawaran ang angking galing ni Mommy Betty (tawag ng mga talent sa kaniya). Hahangaan mo sa siya pagdating sa mga dramatic scene. Tiyak maibibigay niya ng 100 percent ang kailangang emosyon.


Natatandaan ko ng minsan manood ako ng kanilang recording...madadala ka sa bawat eksena...lalo na kapag tungkol sa pagpapakasakit ng isang ina para sa kaniyang minamahal na anak. Bubuhos ang luha at emosyon....at mararamdaman 'yon ng mga nakikinig.


Ilan sa mga naging matagumpay na Drama Serye na pinagbidahan ni Mommy Betty ay ang dramang YAYA MARIA, KAPAG LANGIT ANG HUMATOL at iba pa na parehong naisapelikula. Ang mga nabanggit na drama ay mula naman sa panulat ni Direk Salvador Royales.


Kahit may edad na si Mommy Betty... patuloy siyang bahagi ng DZRH drama dahil alam ko na ito na ang kaniyang buhay...at iba ang kaligayahang naidudulot nito sa kaniya. Isa sa dramang nasa ilalim ng kaniyang direksiyon ang HINDING HINDI KO MALILIMUTAN at isa ako sa writer nito. Nagbibigay din siya ng payo at pointers sa mga baguhan.


Mabait at mababang loob si Mommy Betty... ito ang pagkakilala ko sa kaniya!

Thursday, July 2, 2009

AUGUSTO VICTA ( Veteran Radio Talent/Director and TV/ Movie Actor)


Isa sa magaling na artista sa pelikula na nagsimula rin sa radyo ay si Augusto Victa o Tata Ogot kung tawagin ng mga kasamahan niyang drama talent sa radyo!

Bata pa ako'y totoong pamilyar na sa akin ang kaniyang itsura at pangalan dahil madalas ko siyang napapanood noon sa telebisyon maging sa mga pelikula. Kaya laking tuwa ko ng makaharap siya ng personal at makasama pa sa trabaho. May mga naisulat na rin akong script sa dating drama program na...May Pangako ang Bukas at Mr. Romantiko na kung saan siya ang gumanap sa lead role na totoong nagpahanga sa akin dahil sa galing ng kaniyang pagganap.

Hindi matatawaran ang talento niya sa larangan ng pag-arte maging sa radyo o pelikula. Naging direktor din siya ng drama program ni Tiya Dely Magpayo na kung saan isa ako sa sumusulat.

Sa mga pagkakataong nakaka-usap ko si Tata Ogot...binibigyan niya ako ng mga pointers sa pagsusulat bagay na nagpapasaya sa akin. Dahil alam ko na mas marami na siyang naipong kaalaman at karanasan sa nasabing larangan.

Isa si Tata Ogot na hindi nakakahiyang lapitan at makausap na tiyak magiging palagay ang iyong loob. Lalo na sa tulad ko na noon ay baguhan sa pagsusulat.

Isa rin siya sa haligi ng radio drama sa ating bansa na hanggang sa ngayon ay patuloy na ibinabahagi ang kanilang angking galing. Siya na patuloy na nagbibigay buhay sa ikagaganda ng radio drama. Gaya ng lagi kong sinasabi na isang magandang opurtunidad na nakilala ang mga taong dati'y aking hinahangan ... na makakasama ko pala ng personal at makakatrabaho pa.

Tuesday, June 23, 2009

LUZ FERNANDEZ (Veteran Radio Drama Talent)


Bata pa ako'y naririnig ko na sa mga drama sa radio ang kaniyang pangalan. Isa sa pinakamagling na radio drama talent, at character actress din sa TV at pelikula...siya ay si Luz Fernandez...o "Ditse" ( ATE sa mababaw na tagalog) kung tawagin siya ng mga kasama niya sa trabaho partikular sa taga radyo! Masayahin...at palabiro...iyon ang pagkakilala ko sa kaniya. Noong una ko siyang nakaharap...naroon ang kaba pero napawi 'yon ng makilala ko siya.

Sa aking pagkakaalala...isa sa programa niya na aking napakinggan noon bata pa ako na isa siya sa mga talent doon ay ang Tagalog Version ng dramang "Flordeluna" sa DWWW 630...at ang karakter na ginagampanan niya ay isang kontrabida! Hindi matatawaran ang kaniyang angking talino sa voice acting. Kung ano ang hinihingi ng karakter...asahan mo...maibibigay niya 'yon ng buong husay.

Nang ako'y mapadpad sa pagsusulat sa radyo...di ko inaasahan na si Ditse...ay isa sa hahawak ng aking naisusulat na script at bibigyang buhay ito. Wala sa hinagap ko na ang dating napapakinggan ko lang sa radio ay makakasama ko...at magiging direktor ko rin. Dahil siya ang director ng radio program na Mr. Romantiko sa DZRH at isa ako sa sumusulat.

Kahit matagal na siya sa radio drama...nakikita kong bago pa mag-umpisa ang recording hawak na niya ang script at pinag-aaralan na niya ito. May hawak siyang panulat upang itama ang dapat itama at palitan ng mas angkop na salita ang dialog upang maging madulas itong sabihin. Kaya naman kapag simula ang recording...maasahan mo...madalang siyang mag-buckle...at naibibigay ng buong husay ang karakter na kailangan ,maging ang angkop na emosyon na siyang nagdadala sa nakikinig upang magalit...maawa at masuklam sa karakter na kaniyang ginagampanan.

Siya rin ang nagbigay buhay kay Lola Basyang ng muling isahimpapawid sa DZRH nitong nakaraang taon, September 2008 ang radio drama na...MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG. Tatlong kuwento ang binigyang buhay sa radio...mula sa original na panulat ni Severino Reyes...at isinalin ko naman sa radyo.

Masarap makatrabaho ang tulad ni Ditse dahil isa siya sa pinakamarami ng nalalaman at karanasan sa radyo na naibabahagi sa mga bagong salta sa nasabing larangan. Isa siyang haligi ng radio drama sa ating bansa...isang karangalan na makilala ko at maging bahagi ng aking mundong ngayon ay ginagalawan. Isa siya sa aking hinahangaan at inspirasyon upang pagbutin ang ating ginagawa.