Ang radio dramang "ZIMATAR" ang pinakamatagumpay at pinakamatagal na radio drama na hinding-hindi makakalimutan. Ito ay mula sa orihinal na konsepto at panulat ni PEDRO "PED" TIANGCO. Mga taong 70's ng ito ay unang umere sa DZRH. Isang istoryang pantasya ito tungkol sa isang batang prinsipeng si Zimatar na ang kaharian ang sinakop ng mga kalabang kaharian kasabwat ang mga masasamang elemento. Bumagsak ang kaharian at kinuha ang kaniyang inang Reyna ng masamang engkanto at ginawang isang bruha sa katauhan ni ENG-ENG.
Sa kabila ng kabataan ni Zimatar ay hinanap niya ang nawalang ina. Doon nag-umpisa ang kaniyang iba't ibang pakikipagsapalaran. Sari saring nilalang ang kaniyang nakasagupa. Sa kaniyang paglalakbay ay isang engkantadang si Shintara ang nagbigay sa kaniya ng isang espada na kapag isisigaw ng pangalan ng enkantada ay naglalabas ng nakasisilaw na liwanag na maaaring mabulag ng mga kalaban. Mayroon din siyang isang mahiwagang balabal na kapag itinalukbong ay maglalaho siya....nakalilipad din siya sa pamamagitan ng isang uri ng dahon...dahon ng Dapad na lumalaki upang maging sasakyang lumilipad. Kasama niya sa kaniyang paglalakbay ang kaniyang alagang kabayo.
Umabot ng mahigit na dalawang dekada ang Zimatar...na talagang sinubaybayan ng mga bata. Nakatatawa ngang isipin na naging binata na ang mga dating bata na sumusubaybay sa Zimatar pero hindi naman lumaki ang karakter nito. Gayunpama'y patuloy itong sinubavbayan...kasama na ako sa tumangkilik dito.
Ang karakter ni Zimatar ay binigyang buhay ni Eloisa Cruz Canlas...na siya ring Eng-eng!
Isinapelikula rin ito noong taong 1982, sa pamamahala ni Larry Santiago at Direksiyon ni Ric Santiago at Jose Flores Sibal. Ito ay pinagbidahan ni JC Bonnin, kapatid ni Charlene Gonzales.
Nakatutuwang alalahanin ang ganitong radio drama na nagbigay ng maraming ala-ala sa atin...dahil ito naging bahagi ng kabataan ng marami sa atin. Mga kabataang naging karugtong ng buhay ang makinig sa mga radio drama noong mga panahong iyon....bilang isang uri ng libangan.