Monday, June 29, 2009

SUSAN LEMON (Radio Drama Talent)

Susan Lemon kasama ang kaniyang idolo na si Ms. Susan Roces.


Isa sa magaling na radio drama talent ng DZRH drama program si Susan Lemon. Asahan na ang bawat karakter na ibibigay sa kaniya ay mabibigyan niya ng buhay...maging batang babae, batang lalaki....matanda, kontrabida at siyempre bida! Nagtataglay siya ng magandang boses na kaibig-ibig pakinggan.


Ayon kay Ate Susan taong 1979 ng siyang mag simula sa radio. Nag-audition siya sa DZRH na pinangangasiwaan ang Drama Production ng panahong 'yon ni Mr. Froilan Villegas at ni Mely Tagasa. Mapalad naman na nagustuhan siya at napasok sa grupo. Subalit tulad ng ibang mga radio drama talent...nag-umpisa rin sila sa mga single lines...at wala pang bayad 'yon.


Subalit ang lahat ng pagtitiyaga ay nagkakaroon ng magandang bunga. Ayon sa kaniya may pamagat na "DAMBANA" ang kaniyang unang drama program.


Isa siya ngayon na madalas gumaganap sa lead role ng iba't ibang radio drama sa DZRH. Kung saan mapapakinggan ang kaniyang galing sa voice acting. Bukod pa rito'y gumagawa rin siya ng mga radio commercials, nagdu-dubbing din siya sa mga Koreanovela at anime na ipinapalabas sa telebisyon. Bukod doon minsan ay nagiging talent din siya sa mga drama program sa telebisyon. Kaya versatile na masasabi si Ate Susan Lemon....radio man o TV na-penetrate niya.


Mabait na kaibigan si Ate Susan....madaling lapitan at nagbibigay ng opinyon sa aking mga isinusulat na script.

Ilan sa mga programa niya ngayon sa DZRH ay...Dolorosa, Crisanto Salvador, Romantiko, at iba pa! Maaaring bisitahin ang kaniyang Friendster account...para sa iba pang impormasyon tungkol sa kaniyang trabaho at nais kumuha ng kaniyang serbisyo.

Sunday, June 28, 2009

SEVERINO REYES


Si Lola Basyang ay bahagi na ng daan-daang alamat ng mga Filipino. May tunay na Lolang Tandang Basyang ang pangalan. Pero nang ang matanda ay bigyan ng tinig ng panulat ni Severino Reyes, siya ay naging mahiwagang bukal ng mga kuwentong kumakayag sa mga kabataan sa daigdig ng mga pakikipagsapalaran.
Bilang isang Filipino hindi dapat mawala at maging bahagi ng bawat buhay ng isang batang pinoy ang tungkol sa mga kuwento ni Lola Basyang. Ang maipakilala sa bagong henerasyon ang tungkol dito...malaking tulong ang mga aklat upang makilala at malaman ng mga bata ang tungkol sa ...Mga Kuwento Ni Lola Basyang na bahagi ng mayamang panitikang Pilipino!

MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG

Kapatid ng Tatlong Maria
Ang Prinsipe ng mga Ibon

Ang Mahiwagang Biyulin


Ilan sa mga Kuwentong isinulat ni Severino Reyes na muling isinalaysay ni Cristine Bellen sa ilalim ng Anvil Publishing. Ang nasabing mga titulo....Ang mahiwagang Biyulin, Ang Prinsipe ng mga Ibon at Ang Kapatid ng Tatlong Maria ay isinadula naman sa Radyo (DZRH) noong September -December 2008....12:15 -12:30 PM. Ito ay isinalin para sa radyo ng inyo pong lingkod (Ganie Jalamanan) na sa direksiyon ni G. Fiding Belisario.
Si Ms. Luz "Ditse" Fernandez ang siyang Lola Basyang. Kasamang mga radio talent dito ay sina Bobby Cruz, Susan Lemon, Betty Roxas, Marichu Villegas, Eddie Legaspi, Mike Perez, Ben Mercado, Eloisa Cruz Canlas at Lolit Del Mundo....mula naman sa Musika ni Boboy Salonga.
Nagkaroon din ng bersiyon nito sa entablado.... sa pamamagitan ng pag- sayaw (ballet dancing) sa pamumuno ni Mam Liza Macuja Elizalde na ipinalabas sa Aliw Theater.

PAALAM....MICHAEL JACKSON (King of Pop)


Sino nga ba ang hindi nakakilala kay Michael Jackson? Isang music icon na may malaking kontribusyon sa musika. Hindi man siya Pinoy pero...malaki ang naging impluwensiya niya sa atin. Natatandaan ko pa....dekada 80...halos lahat ng nakaririnig ng kaniyang musika ay napapa-indak. Sino ba ang makalilimot sa dance music na...Billy Jean, Beat It...at ang pikasikat na Thriller. Madalas nga isinasayaw ito ng mga estudyante sa mga school program.

Sa larangan ng komiks....naging paksa din ng ilang mga kuwento ang tungkol sa kaniyang estilo...ang kanyang pananamit. Bitin at hapit na pantalon na litaw ang medyas. Ito ang kaniyang naging signature oufit! Ngayong wala na siya at namatay sa cardiac arrest ( June 19, 2009)....di man na natin siya makikita na sumasayaw o kumakanta...subalit sa ating gunita...ang kaniyang musika ay mananatili sa ating isipan at ala-ala. Dahil ang mga ito'y naging bahagi ng ating buhay! Paalam, Michael Jackson!

Thursday, June 25, 2009

PINOY PAPERBACKS (Tagalog Pocketbooks)





Ilan sa Pocketbooks na aking isinulat. (2001)


Published and Distributed by G.P. Nepomuceno Enterprise

Ilan sa mga pocketbooks na aking naisulat.


Sa aking pagkaka-alala...kasikatan pa ng komiks (taong 1980) ng may mabasa akong Tagalog Romance Pocketbook. Nasa elementarya pa lang ako noon. Ito ay sinulat ng mga sikat na Nobelista sa Komiks... Twin-Hearts Pocketbooks...ito ang natatandaan kong pangalan. Nasundan ng Valentines Romances...at kung anu-ano pang pangalan ng libro. Lahat ito'y pang Masa. Hanggang sa naging laganap ito at nabibili na rin sa magasin/komiks stand. Marami pang mga small publication ang pumasok sa pag-pu-publish ng pocketbooks. Ang may ari ng imprenta...sila na rin ang editor at proofreader...basta makasabay lang sa trend dahil totoong mabenta sa merkado.


Naglitawan na rin ang iba't ibang pangalan na hindi mga komiks writer. Maraming tumangkilik ng tagalog Pocketbooks. Nagkaroon ng Lover Story for Adult, Teen Ager, Horror, Suspense, Mystery at kung anu-ano pa. Naging series na rin ang estilo ng iba...upang makuha ang interes ng reader at sundan ang kasunod na kuwento.


Kung maraming nagsulputang pinoy pocketbooks...ito'y naging daan din ng unti unting pagbabago ng interes ng ibang mambabasa. Bahagyang nabawasan ang komiks reader at napunta sa pagbabasa ng pocketbooks. Maging ang mga komiks writer ay nagkaroon ng ibang mapupuntahan. May nag-concentrate sa pagsusulat ng prosa para sa pocketbooks... dahil mas malaki ang kita rito.


Ako man ay sumubok din... at kahit paano'y may mga title din akong na-publish. May love story...at may roon ding horror stories!


Sa ngayon, nabawasan na rin ang nag-i-imprenta ng Tagalog Pocketbooks. Dahil hindi na itong kasing lakas gaya ng datin. Tanging ang sikat na PHR o Precious Hearts Romances ang nagpapatuloy nito at totoong nakilala dahil sa kanilang de kalidad na kuwento na nagpapakilig, nagpapa-ibig at nagbibigay ng impormasyon sa mga mambabasa!

Tuesday, June 23, 2009

LUZ FERNANDEZ (Veteran Radio Drama Talent)


Bata pa ako'y naririnig ko na sa mga drama sa radio ang kaniyang pangalan. Isa sa pinakamagling na radio drama talent, at character actress din sa TV at pelikula...siya ay si Luz Fernandez...o "Ditse" ( ATE sa mababaw na tagalog) kung tawagin siya ng mga kasama niya sa trabaho partikular sa taga radyo! Masayahin...at palabiro...iyon ang pagkakilala ko sa kaniya. Noong una ko siyang nakaharap...naroon ang kaba pero napawi 'yon ng makilala ko siya.

Sa aking pagkakaalala...isa sa programa niya na aking napakinggan noon bata pa ako na isa siya sa mga talent doon ay ang Tagalog Version ng dramang "Flordeluna" sa DWWW 630...at ang karakter na ginagampanan niya ay isang kontrabida! Hindi matatawaran ang kaniyang angking talino sa voice acting. Kung ano ang hinihingi ng karakter...asahan mo...maibibigay niya 'yon ng buong husay.

Nang ako'y mapadpad sa pagsusulat sa radyo...di ko inaasahan na si Ditse...ay isa sa hahawak ng aking naisusulat na script at bibigyang buhay ito. Wala sa hinagap ko na ang dating napapakinggan ko lang sa radio ay makakasama ko...at magiging direktor ko rin. Dahil siya ang director ng radio program na Mr. Romantiko sa DZRH at isa ako sa sumusulat.

Kahit matagal na siya sa radio drama...nakikita kong bago pa mag-umpisa ang recording hawak na niya ang script at pinag-aaralan na niya ito. May hawak siyang panulat upang itama ang dapat itama at palitan ng mas angkop na salita ang dialog upang maging madulas itong sabihin. Kaya naman kapag simula ang recording...maasahan mo...madalang siyang mag-buckle...at naibibigay ng buong husay ang karakter na kailangan ,maging ang angkop na emosyon na siyang nagdadala sa nakikinig upang magalit...maawa at masuklam sa karakter na kaniyang ginagampanan.

Siya rin ang nagbigay buhay kay Lola Basyang ng muling isahimpapawid sa DZRH nitong nakaraang taon, September 2008 ang radio drama na...MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG. Tatlong kuwento ang binigyang buhay sa radio...mula sa original na panulat ni Severino Reyes...at isinalin ko naman sa radyo.

Masarap makatrabaho ang tulad ni Ditse dahil isa siya sa pinakamarami ng nalalaman at karanasan sa radyo na naibabahagi sa mga bagong salta sa nasabing larangan. Isa siyang haligi ng radio drama sa ating bansa...isang karangalan na makilala ko at maging bahagi ng aking mundong ngayon ay ginagalawan. Isa siya sa aking hinahangaan at inspirasyon upang pagbutin ang ating ginagawa.

Sunday, June 21, 2009

G. NESTOR MALGAPO



BOOK 5 - Perspective

BOOK 3 - The Human Figure


BOOK 4 - Head, Hands and Feet
BOOK 2 - The Female Figure

DYNACOIL BOOKS



DYNACOIL



DYNACOIL - Dynamic Concept Illustated....isang home study program na itinatag ni Mr. Nestor Malgapo....na isang beteranong comics artist. Taong 1990 ng akong mag-enroll thru correspondence o sa pamamagitan ng sulat...ang mga lesson na itinuturo niya ay mababasa sa kaniyang mga libro...mula sa book 1 hanggang book 10. Ang bawat libro ay may kaukulang assignment na kailangang tapusin ng isang estudyante...upang maipadala ang sketch o drawing assignment sa pamamagitan ng koreo...at ibabalik ito sa estudyante sa parehong paraan na lakip ang grado. A -excellent ,B -good, C- better, D-failed. Sinunggaban ko ang opurtunidad na ito noon dahil ang nais ko talaga' y maging isang magaling na komiks illustrator dahil totoong maliit pa ako'y pagguhit na ang aking nais.

Marami rin akong natutunan sa pag-aaral kong ito...na improve ang aking kakayahang bumuo ng imahe ng tao...ang tamang posisyon ng katawan...galaw ng kamay at paa...at maging ang kailangang emosyon ng bawat karakter ayon sa sinasabi ng eksena.Gayunpaman marahil ay sadyang hindi para sa akin ang pagguhit sa komiks...kaya natuon ang aking interes sa pagsusulat.

Labing siyam na taon na rin ang nakalipas...pero aking itinago at totong iningatan ang mga ala-ala ng ako'y maging isang estudyante sa Dynacoil Home Study Program. Sapagkat bahagi ito ng aking nakalipas. May mga komiks illustrator na alam kong naging estudyante rin ng nasabing programa na nagbukas ng pinto para mapasok ang industriya ng komiks. Wala na ang komiks...kung nasaan man sila ngayon alam kong naging mahalagang bahagi ng kanilang buhay ang natutunan sa nasabing Home Study Program.

Sa ngayon...si Mr. Nestor Malgapo ay patuloy pa ring naibabahagi ang kaniyang angking talino sa pagguhit. Dahil madalas kong makita ang kaniyang mga obra sa isang religious magasin! Wala pa ring pagbabago sa kaniyang mga likha na totoong naroon ang puso at tunay na alagad ng sining!






SHOCKER FUN CLUB


Isa ang Shocker Komiks na nilalathala ng GASI Publication ito ang siyang pinakamabentang Horror komiks na ng unang i-publish ay mas makapal kumpara sa pankaraniwang komiks...sa aking pagkakatanda ay 48 pages ito...na puno ng nakakatakot na kuwento na totoong kinagiliwan ng mga mambabasa. Katunayan sa dami ng taga subaybay nito ay kung anu-anong pa-kontes ang naging gimik para sa higit na ikasisiya ng mga mambabasa. Naroong magkaroon ng drawing contest...pati ang kilalang horror character sa Hollywood film na Friday the 13th...na si Freddy Krugger ay naisipan ng editor na gamitin sa contest. Lilikha ng isang karakter na magiging bride ni Freddy Krugger...isa ako sa sumali pero di naman ako pinalad na mapili kahit finalist. Pero okay lang 'yon at least nag try ako!


Bukod dito ang editor ng time na 'yon na isang babae...si Mam Cecil, ay bumuo rin ng fans club para sa mga Shocker Comics fanatics...marahil mga taong early 90's iyon. Ito ay tinawag na SHOCKER FUN CLUB...na ang bawat magiging member ay padadalhan ng ID card...at may karapatang makapagsulat ng horror story na ipi-feature sa nasabing komiks. Sapagkat ang nasabing komiks ay may nakalaang pahina para sa Shocker Fun Club Member. Isa ako sa nagka-interes na sumali dito...na may ID number 1008. (nasa larawan sa itaas)


Ito rin ang nagbigay daan para ma-publish ang kauna-unahan kong kuwento sa komiks na pinamagatang....KAHILINGAN SA KANDILANG ITIM...hindi libre ito...kundi binayaran ang aking nilikhang kuwento. Nakalulungkot nga lang na nawala ang kopya ng nasabing kuwento.


Marahil hindi lang ako ang dating Shocker Comics reader na nagkaroon din ng pagkakataon na maging bahagi ng Komiks industry....na nakapagsulat din sa komiks na minsan ay tinangkilik...at naging bahagi ng buhay!


Friday, June 12, 2009

Remembering ...BARYO BALIMBING

Nasa larawan ako...si Christian, at ka Marlou Ruallo kasamahan naming voice talent at
si Ka Manding De Guzman. (writer /Director)

Ang Baryo Balimbing ay isang komedyang pang radyo na ilang taon din umere sa DZEC 1062khz AM Station mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 12:00-1:30PM. Sa programang ito ang lahat ay maaaring pag-usapan...dito tumatakbo ang istorya ng Baryo Balimbing na isang weekly series. Tinatalakay dito ang mga issue sa lipunan, showbiz at iba pa? Information sa iba't ibang bagay na may kabuluhan upang malaman ng mga listener. Subalit sa paraang komedya na kagigiliwan ng mga nakikinig. Ang Baryo balimbing ay pinamumunuan ni Chairman Dante played by Manding De Guzman na siya ring Director...kasama si Rose Nalundasan na isang magaling din na voice talent na gumaganap naman bilang Saling na asawa ni Chairman Dante. Kasama rin dito ang maraming talent...na may kani kaniyang nakatutuwang karakter na nagdaragdag ng rekado sa takbo ng mga pangyayari...na tunay na riot sa kalokohan at katatawanan. Nakaka miss din ang samahang nabuo ng mga talent sa programang ito...na talagang mahirap kalimutan. Isa ako sa writer nito kaya nakita ko ang samahang nabuo sa bawat sabadong recording ng nasabing radio drama...nakakamiss talaga...kaya lang ang lahat ay laging mayroong katapusan.

Sino si Mr. Romantiko?


Ang Mr. Romantiko ay isang radio- drama program sa DZRH...na sa ngayon ay ini-ere tuwing ala una hanggang ala una y medya ng hapon...lunes hanggang Sabado. Isa itong love story...na ang bawat kasaysayan ay nilalakipan ng love song. Na sa dakong huli ng drama...ay naroon ang pagbabasa ng tula at pagbati mula sa mga listener at ito'y binabasa ni Mr. Romantiko. Para sa akin...pang Masa ang format ng programa. Isa ako sa pinagkatiwalaang sumulat ng mga kasaysayan dito. Marami rami na ring kasaysayan ang aking naisulat dito...dahil nag-umpisa akong maging writer nito noon pang 2001. Kasama kong writer din dito si Corazon Cruz De Jesus at Didith marasigan. Mula ito sa direction ng isa sa magaling at haligi ng radio drama sa Pilipinas...isa rin siyang character actress sa TV at pelikula...si Ms. Luz Fernandez na kung tawagin ng mga kaibigan at kakilala particular sa drama production ay "Ditse"


Pero...sino nga ba ang nasa likod ng malamig at makatang pagbabasa ng tula? Sino ba si Mr. Romantiko? Siya po si Mr. Salvador Royales...na siyang may concepto rin ng nasabing programa. Isa siyang magaling na writer sa radio at pelikula. Ayon sa kaniyang kuwento sa akin...siya ang kauna-unahang sumulat ng Maalala Mo Kaya sa ABS-CBN...na may pamagat na "Sapatos". Marami siyang isinulat na pelikula sa Seiko Films...at may mga Radio Drama rin siya na ginawang pelikula....isa sa natatandaan ko ang "Kailan Mahuhugasan ang Kasalanan" at "Kapag Langit Ang Humatol" na pinagbidahan ni Vilma Santos, na pawang naging block buster. Kaya hindi matatawaran ang angking talino ni Mr. Romantiko sa pagsusulat. Mula sa kaniya marami rin akong natutunan na ini-aapply ko ngayon sa aking pagsusulat sa radio drama. Kaya masasabi ko na mapalad ako na nakilala ko ang isang taong tulad niya.