Tuesday, June 23, 2009

LUZ FERNANDEZ (Veteran Radio Drama Talent)


Bata pa ako'y naririnig ko na sa mga drama sa radio ang kaniyang pangalan. Isa sa pinakamagling na radio drama talent, at character actress din sa TV at pelikula...siya ay si Luz Fernandez...o "Ditse" ( ATE sa mababaw na tagalog) kung tawagin siya ng mga kasama niya sa trabaho partikular sa taga radyo! Masayahin...at palabiro...iyon ang pagkakilala ko sa kaniya. Noong una ko siyang nakaharap...naroon ang kaba pero napawi 'yon ng makilala ko siya.

Sa aking pagkakaalala...isa sa programa niya na aking napakinggan noon bata pa ako na isa siya sa mga talent doon ay ang Tagalog Version ng dramang "Flordeluna" sa DWWW 630...at ang karakter na ginagampanan niya ay isang kontrabida! Hindi matatawaran ang kaniyang angking talino sa voice acting. Kung ano ang hinihingi ng karakter...asahan mo...maibibigay niya 'yon ng buong husay.

Nang ako'y mapadpad sa pagsusulat sa radyo...di ko inaasahan na si Ditse...ay isa sa hahawak ng aking naisusulat na script at bibigyang buhay ito. Wala sa hinagap ko na ang dating napapakinggan ko lang sa radio ay makakasama ko...at magiging direktor ko rin. Dahil siya ang director ng radio program na Mr. Romantiko sa DZRH at isa ako sa sumusulat.

Kahit matagal na siya sa radio drama...nakikita kong bago pa mag-umpisa ang recording hawak na niya ang script at pinag-aaralan na niya ito. May hawak siyang panulat upang itama ang dapat itama at palitan ng mas angkop na salita ang dialog upang maging madulas itong sabihin. Kaya naman kapag simula ang recording...maasahan mo...madalang siyang mag-buckle...at naibibigay ng buong husay ang karakter na kailangan ,maging ang angkop na emosyon na siyang nagdadala sa nakikinig upang magalit...maawa at masuklam sa karakter na kaniyang ginagampanan.

Siya rin ang nagbigay buhay kay Lola Basyang ng muling isahimpapawid sa DZRH nitong nakaraang taon, September 2008 ang radio drama na...MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG. Tatlong kuwento ang binigyang buhay sa radio...mula sa original na panulat ni Severino Reyes...at isinalin ko naman sa radyo.

Masarap makatrabaho ang tulad ni Ditse dahil isa siya sa pinakamarami ng nalalaman at karanasan sa radyo na naibabahagi sa mga bagong salta sa nasabing larangan. Isa siyang haligi ng radio drama sa ating bansa...isang karangalan na makilala ko at maging bahagi ng aking mundong ngayon ay ginagalawan. Isa siya sa aking hinahangaan at inspirasyon upang pagbutin ang ating ginagawa.

1 comment:

  1. hi, isagani,
    luz fernandez and her sister percie were my friends back in the early 80's. i left manila in 1985 and have not been in touch with them for a long time. can you please forward my message to her? i would like to get reconnect with them, especially that percie's first son is my inaanak. please leave me a message at vikkimmartinez@yahoo.ca. thank you for writing this article.
    vikki martinez

    ReplyDelete