Mga nasa larawan, Nakaupo-TV/Movie Veteran actress Ester Chavez na talent din ni Tiya Dely, Nakatayo mula sa kaliwa, Nick De Guzman, Didit Marasigan, Susan Robles, Rashida Elba Abanco, Lionel Benjamin, Eric Lucero (Recording Tech.), Buboy Salonga (Musical Director), Nasa gawing likuran- Manny Salas (Soundman), Jun Legaspi, Tony Angeles, Rosanna Villegas at Didi Belonio (anak ni Tiya Dely).
Isa sa pinakamatagal at kung ilang dekada ng sumasahimpapawid na drama sa radio ay ang programang....MGA KASAYSAYAN SA MGA LIHAM KAY TIYA DELY. Kahit wala na ang ating minamahal at hinahangang si Tiya Dely o FIDELA MAGPAYO sa tunay na buhay ay patuloy pa rin ang kaniyang programa upang magbigay ng aliw...magbigay ng payo sa mga tagapakinig na mayroong suliranin. Ito ay pinangangasiwaan ngayon ng kaniyang nag-iisang anak na babae na si Didi Magpayo Reyes Belonio.
Batang paslit pa lang ako'y napapakinggan ko ang programa ni Tiya Dely dahil ang aming pamilya ay libangan ang pakikinig ng mga radio. Kaya naging bahagi na rin ng aking buhay habang ako'y lumalaki ang pakikinig ng radio drama at isa na nga sa nakahiligan kong pakinggan ay ang programa ni Tiya Dely.
Bukod sa radio, natatandaan ko na nagkaroon din siya ng TV program na may pamagat na...TIYA DELY...katulad din ang format nito sa radyo. Mga padalang kasaysayan ng mga taong nais humingi ng payo ukol sa suliraning bumabagabag sa kanila.
Hindi ko akalain na sa aking paglaki ay makakaharap ko ng personal si Tiya Dely at maging ako ay mapapayuhan din niya. Nangyayari ito kapag kami'y nagkakausap noong nabubuhay pa siya! Sapagkat mapalad ako na naging bahagi ng kaniyang programa bilang isa sa contributing writer ng kaniyang programa. Mula sa mga napakaraming sulat na pinadadala sa kaniya...isa ako sa nagsasalin ng kasaysayan upang ito'y maging script na gagamitin sa programa.
Kaya malaking karangalan para sa akin na naging bahagi ng programa ni Tiya Dely at nakasama ang mga magagaling na radio drama talents sa programang ito!