Tuesday, September 22, 2009

REMEMBERING TIYA DELY MAGPAYO



Isang tao na rin ang nakalilipas mula ng mamaalan sa atin si TIya Dely Magpayo...Fidela Magpayo sa tunay na buhay. Setyempre 1, 2008...ng kunin ng Dakilang Lumikha si Tiya Dely...at hanggang sa huling sandali ay pinatunayan niya ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang trabaho.

Marami siyang ala-alang naiwan sa atin. Sino ba namang makalilimot sa kaniyang malamig na tinig sa himpapawid...lalo kapag sasabihin niya sa bawat pagtatapos ng kaniyang programa sa radio...ang mga katagang...”Ito ang Inyong Tiya Dely..na nagpapalam sa inyo......at higit sa lahat...sa iyo!”

Bata pa ako’y naririnig ko na ang kaniyang boses...masasabi ngang lumaki ako at nagkaisip na kilalang kilala siya...hindi ng personal kundi dahil ako’y kaniyang naging tagapakinig.

Natatandaan ko pa ang mga programa ni Tiya Dely...mula sa pagiging Host ng Kaniyang mga Radio Drama...pagiging Host ng Talakayan...at Newscaster. Bata pa ako noon ay nasubaybayan ko ang pagbabasa niya ng Nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere sa DZMM.

Buong akala ko’y mananatili na lang akong tagapakinig ni Tiya Dely...at wala sa hinagap ko na makikita ko siya ng personal...makakakuwentuhan at personal na makakatanggap ng payo mula sa kaniya.

Nangyari ito ng mapadpad ako sa pagsusulat sa Radio at maging bahagi ng kaniyang Radio Program.... isa ako sa pinagkatiwalaan niya para sumulat ng script sa kaniyang Radio Drama Program. Sa pagtungtong ko sa DZRH sa radio program niya na pamagat na SEY MO, SEY KO ako unang gumawa ng script, ipinakilala ako sa kaniya ni Lola Sela...(Eloisa Cruz Canlas) at doon na nag-umpisa ang pagsusulat ko sa iba pang drama programa sa DZRH.

Kaya isang di makakalimutang karanasan ang makilala siya at maging bahagi ng kaniyang programa. Nawala man si Tiya Dely pero mananatili sa aking ala-ala ang kaniyang mga payo sa akin...ang mga papuri sa mga mabuti kong nagagawa. Kaya malaking bahagi sa aking pagsusulat si Tiya Dely...dahil siya ang unang nagtiwala sa aking kakayahan.

Salamat, Tiya Dely...mananatili ka sa aking puso at ala-ala!

Friday, September 4, 2009

CHIQUIT DEL CARMEN-AMOR (Radio Drama Talent)


Isa sa magaling ding drama talent si Chiquit Del Carmen-Amor, 1979 siya ng magsimula hindi bilang radio drama talent kundi bilang bit player sa mga TV soap opera at pelikula. Una siyang naging extra sa ANNALIZA...isang soap opera na pinagbibidahan noon ng child star na si Julie Vega . Lumabas din siya sa mga pelikula ng Regal Films....ilan dito ang SCHOOL GIRLS at iba pang pelikula nina Snooky at Maricel Soriano.

Sa pagpasok niya sa pelikula...naging daan na rin ‘yon upang maging bahagi din siya ng radio drama. Naging dramatista siya sa radio station na DWWW 630 ang karibal ng DZRH pagdating sa mga radio drama...at dito niya nakasama ang ngayon ay Vice Presidente na si G. NOLI DE CASTRO na noo’y announcer ng live drama na...Operetang Tagpi-tagpi.

Kinuha rin siya ni Tina Loy para naman sa programang...Kaluskos Musmos sa radio at Munting Pangarap...dito naman niya nakasama ang magaling na drama talent na si Vilma Borromeo na nagsisinula pa lang din ng panahong ‘yon.

Hanggang sa dinala na siya ng kapalaran sa DZRH...para naman sa dramang ITO ANG PALAD KO ng VG Productions. (Virgilio Garcia). Isa sa hindi niya malilimutang drama program ay ang MATUD NILA dahil nakasama niya rito si Ms. SUSAN ROCES.

Isa si Ate Chiquit sa maaashan pagdating sa di-kalidad na pagganap. Dahil binibigay niya ang lahat ng makakaya niya. Down to earth din siya at madaling lapitan at pakibagayan.

Sunday, July 26, 2009

JUN LEGASPI (Radio Drama Talent)


Isa si Jun Legapi sa may magandang boses pagdating sa radio drama. Nagsimula siya sa ilalim ng pagtuturo at pagsasanay ni Ka Rubos Abellera. Maraming mga kilala at magagaling na Radio Drama Talent at Dubber din na nag-umpisa sa mga programang hinawakan ni Ka Robus.

Kahanga-hanga ang taglay na galing at di kalibreng pagganap ni Kuya Jun sa mga drama na kaniyang nasasamahan. May kakaibang tatak ang boses niya na kaniyang kaniya lang. Kaya para sa mga taong nagmamahal sa radio drama... sa sandaling mapakinggan ang kaniyang boses agad na makikilala ito.

Mas madalas nagiging Narrator siya ng mga drama program. Sa kaniya ipinagkakatiwala ang paggawa ng mga Intro para sa isang programa. Katulad ng programa ni Tiya Dely sa DZRH...at iba pa.

Direktor din siya ngayon ng programang “Hukumang Pantahan” kapartner ni Bobby Cruz. Kelan lang sa 70th Anniversary ng DZRH...isa siya sa naparangalan bilang Best Director.

Tulad ng ibang radio talent...ilang dekada na rin siyang nagbibigay ng aliw sa mga listener ng radio drama at patuloy na ibinabahagi ang kaniyang talento dahil mahal niya ang trabahong ito at masaya siya rito.

Friday, July 17, 2009

HAPPY 70th ANNIVERSARY, DZRH!




July 15, 2009...nagdiwang ng kaniyang 70th Anniversary ang MBC-DZRH. Isang masayang pagdiriwang ang inihanda ng pangasiwaan ng himpilan para sa okasyong nabanggit. Araw pa lang ng Lunes, July13....ay nagsimula na ang iba’t ibang activities na para pa rin sa pagbibigay serbisyo sa mga tao. Nagkaroon ng Medical Mission, Job Fair, Photo Exhibit, at Free Concert sa Aliw Theater...na free para sa lahat. Maraming mga kilalang tao at pulitiko ang bumati at naging panauhin sa nabanggit na okasyon na totoo namang naging matagumpay.

Nagkaroon din ng Recognition Program upang parangalan at kilalanin ang mga taong naging bahagi at nagbigay ng katapata sa himpilan. Sa panig ng Drama Department nagbigay din ng pagkilala ...na dinaluhan ng mga kilalang personalidad na tulad ng ...Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces na minsan din naging bahagi ng Radio Drama ng DZRH.

Narito ang listahan ng mga Radio Drama Talent na nabigyan ng pagkilala:

FIDELA “Tiya Dely” MAGPAYO – Lifetime Achievement Awardee
LUZ FERNANDEZ - Best Actress of All Time
AUGUSTO VICTA – Best Actor of All Time

Best Drama Series – SAGRADO
Best Director – JUN LEGASPI / BOBBY CRUZ
Best Scriptwriter – FUNDADOR SORIANO

Best Actress - BETTY ROXAS / ELOISA CRUZ CANLAS/ ESTER CHAVEZ
Best Actor - NICK DE GUZMAN / FIDING BELISARIO /TONY ANGELES

Best Supporting Actress – MARICHU VILLEGAS / ROSANNA VILLEGAS
Best Supporting Actor – PHIL CRUZ / EDDIE LEGASPI

Best Soundman – MANNY SALAS
Best Musical Director – BUBOY SALONGA

Best Tech./Dubbing Engineer – ERIC LUCERO / BONG MUYAR

MOST PUNCTUAL
Susan Robles / Susan Lemon

Naging masaya , matagumpay at maayos ang naging programa...lahat ng mga nabigyan ng parangal ay tunay namang karapat-dapat. Kaya naman natapos ang programa na may ngiti sa labi ang bawat isa. Salamat sa pamunuan ng MBC- DZRH...sa mga Bosing...at kay Mr. Salvador Royales...Drama Manager.

MABUHAY ANG DZRH...KAUNA-UNAHANG HIMPILAN NG RADYO SA PILIPINAS.....MORE POWER...MORE SUCCESS!

Saturday, July 11, 2009

ALLAN ORTEGA (Dubber/Radio Drama Talent)


Isa dating member ng "That's Entertainment" ni Kuya Germs o German Moreno si Allan Ortega at kasama siya sa Tuesday Group. Naging aktibo sa paggawa ng pelikula...at mga provincial shows. Subalit hindi naging ganoon kabait sa kaniya ang magandang kapalaran sa pelikula katulad din ng mga nakasabayan niya na nawala sa limelight at hinanap ang kapalaran sa ibang larangan.

Habang nag-aaral ng college ay isang kaibigan ang tumulong sa kaniya at isinama siya sa istasyon ng DZEC...ipinakilala kay G. Robus Abellera na isang Radio Drama Writer /Director/Musical Scorer. Binigyan ng pagkakataon si Allan upang mapasama sa grupo ng mga drama talent ng DZEC/DZEM...at dito na unti-unti siyang natuto at naging bahagi ng mga drama program tulad ng...Mga Mukha ng Buhay, Mga Kuwento ng Pag-ibig at iba pa.

Sa grupo na rin ng mga radio talents nakilala niya ang taong naging daan upang mapunta naman siya sa pagiging isang dubber. Ipinakilala siya ni Rose Nalundasan kay Vangie Labalan, isang character actress sa TV at pelikula at Dubbing Supervisor din. Pagkatapos maipasa ang audition para sa mga bagong dubber...ay nabigyan siya agad ng project. Isang Tagalized Mexican Telenovela ang una niyang project na may title na..."Quiencenera" kung saan bida sa nasabing drama series si Thalia. Kasunod ay isang anime..."Fancy Lala " naman ang pamagat.

Dito na nga nag-umpisa ang sunod-sunod at iba pang magagandang dubbing project para kay Allan. Kasama na rito ang "Inosente De Ti" isang Mexican Soap Opera na ipinalabas sa ABS-CBN.


Bukod sa pagiging dubber ang isa pa niyang pinagkakaabalahan ay ang pagiging radio drama talent ng DZRH. Kasama siya sa mga programang...Ito ang palad ko, Hukumang Pantahanan, Hinding-Hindi Ko Malilimutan at iba pa. Translator din siya ng mga Mexican Novela at isa sa huling project niya ay ang " Lalola " na ipinapalabas sa GMA 7.


Patuloy na pinagyayaman ni Allan ang kaniyang kaalaman sa nasabing larangan dahil alam niyang di pa sapat ang kaniyang kaalaman kumpara sa mga kasama niya na matagal na . Gayumpaman ay nakikipagsabayan siya ngayon sa radyo drama kasama ang mga beterano at beteranang drama talents.

Thursday, July 9, 2009

KASAYSAYAN SA MGA LIHAM KAY TIYA DELY

Font size

Mga nasa larawan, Nakaupo-TV/Movie Veteran actress Ester Chavez na talent din ni Tiya Dely, Nakatayo mula sa kaliwa, Nick De Guzman, Didit Marasigan, Susan Robles, Rashida Elba Abanco, Lionel Benjamin, Eric Lucero (Recording Tech.), Buboy Salonga (Musical Director), Nasa gawing likuran- Manny Salas (Soundman), Jun Legaspi, Tony Angeles, Rosanna Villegas at Didi Belonio (anak ni Tiya Dely).


Isa sa pinakamatagal at kung ilang dekada ng sumasahimpapawid na drama sa radio ay ang programang....MGA KASAYSAYAN SA MGA LIHAM KAY TIYA DELY. Kahit wala na ang ating minamahal at hinahangang si Tiya Dely o FIDELA MAGPAYO sa tunay na buhay ay patuloy pa rin ang kaniyang programa upang magbigay ng aliw...magbigay ng payo sa mga tagapakinig na mayroong suliranin. Ito ay pinangangasiwaan ngayon ng kaniyang nag-iisang anak na babae na si Didi Magpayo Reyes Belonio.

Batang paslit pa lang ako'y napapakinggan ko ang programa ni Tiya Dely dahil ang aming pamilya ay libangan ang pakikinig ng mga radio. Kaya naging bahagi na rin ng aking buhay habang ako'y lumalaki ang pakikinig ng radio drama at isa na nga sa nakahiligan kong pakinggan ay ang programa ni Tiya Dely.


Bukod sa radio, natatandaan ko na nagkaroon din siya ng TV program na may pamagat na...TIYA DELY...katulad din ang format nito sa radyo. Mga padalang kasaysayan ng mga taong nais humingi ng payo ukol sa suliraning bumabagabag sa kanila.


Hindi ko akalain na sa aking paglaki ay makakaharap ko ng personal si Tiya Dely at maging ako ay mapapayuhan din niya. Nangyayari ito kapag kami'y nagkakausap noong nabubuhay pa siya! Sapagkat mapalad ako na naging bahagi ng kaniyang programa bilang isa sa contributing writer ng kaniyang programa. Mula sa mga napakaraming sulat na pinadadala sa kaniya...isa ako sa nagsasalin ng kasaysayan upang ito'y maging script na gagamitin sa programa.


Kaya malaking karangalan para sa akin na naging bahagi ng programa ni Tiya Dely at nakasama ang mga magagaling na radio drama talents sa programang ito!














Wednesday, July 8, 2009

DIDIT MARASIGAN (Writer /Translator)


Si Didit Marasigan ...ay isa sa kasama kong radio drama writer sa DZRH. May sarili siyang tatak at atake sa pagsusulat. Iyon ang aking nakita sa kaniya. Masayang kausap at hindi maramot mag-share ng kaniyang kaalaman sa writing. Mas senior siya sa akin pagdating sa radio script writing kaya alam kong marami rin akong matututunan sa kaniya. Pero ang katotohanan ay hindi ang pagsusulat sa radio drama ang una niyang naging interes kundi ang pagiging radio drama talent.

Taong 1982...ayon sa kaniya ng magpadpad siya sa radio station sa Broadcast City kung saan naroon ang station na DWWW. Isinama siya roon ni Rose Tonido na isa ring drama talent. Nag-audition siya na maging radio drama talent kay Fely Salvahan, pinalad naman na makapasa at naging trainee. Doon niya unang nakita at nakilala si Vilma Borromeo at Chiquit Amor (mga radio talent din) Naging trainee siya sa radio dramang "Munting Pangarap" kung saan bida ang dating artista na si Lenny Santos at ang namayapang si Ben David ang direktor. Ayon pa sa kaniya takot na takot siya kapag nagkakamali dahil pinandidilatan siya ng direktor. Subalit naging hamon sa kaniya 'yon upang pagbutihin ang kaniyang ginagawa.

Sa radio station namang DWXI..na nasa Paranaque pa ang Station noon...ang nagbigay sa kaniya ng daan sa pagsusulat ng radio script sa pagtuturo ni Ben Clamosa. Ayon din sa kaniya naging malaking impluwensiya din ng estilo niya sa pagsusulat si Bernard Canaberal na dati'y isang Writer -Director din ng Drama sa DZRH.

Ayon kay Didit..."Destiny has paved the way for more opportunities!" Katunayan bukod sa pagsusulat ng radio drama sa DZRH...tulad ng Mr. Romantiko, Hinding Hindi ko Malilimutan at Mga Kasaysayan sa Liham kay Tiya Dely...nagsusulat din siya sa DZMM sa programang Maalaala mo Kaya. Translator din siya ng mga Anime TV-series at ilang Koreanovela.

Sa ngayon hindi na siya aktibo bilang radio drama talent kundi ang pagsusulat ng script at pagta-translate ang kaniyang pinagkakaabalahan. Mas gusto niya na sa bahay lang siya nagtatrabaho kasama ang kaniyang laptop computer upang magkaroon siya ng panahon sa kaniyang pamilya na mas binibigyan niya ng pagpapahalaga.

Tuesday, July 7, 2009

VILMA BORROMEO (Radio Drama Talent)




Isa sa nakilala ko at totoong hinahangang radio drama talent ay si Vilma Borromeo..."Vi" kung tawagin ng mga kaibigan niya. Tunay na kahanga-hanga ang kaniyang kakayahan sa voice acting. Kung makikita mo siya sa recording room tila baga isang bata lang dahil sa pagiging petite niya. Pero pag-on mike na siya para sa kaniyang papel na gagampanan sa radio drama mapapahanga ka.

Mabait at down to earth...low profile si Vi. Madali siyang e-approach at makakuwentuhan. Kung baga...wala siyang ere. Bagay na magiging at ease ang sinuman sa pakikipag-usap sa kaniya. Iyon ang na-obserbahan ko mula ng una ko siyang makilala at makasama sa trabaho sa DZRH drama production.

Bukod sa pagiging busy sa radio drama...ang kaniyang magandang boses ay mapapakinggan din sa mga anime na ipinalalabas sa TV. Marami na rin siyang nagawang koreanovela at anime. Dahil ang pagda-dubbing ay isa rin sa kaniyang pinagkakaabalahan. Subalit ang siyang tumatak sa akin na hindi makakalimutan, ang ang pagbibigay niya ng boses sa character ni " PRINCESS SARAH". Ang japanese animated series na base sa classic novel na ipinalabas sa ABS-CBN. Siya ang nasa likod ng tagalized version nito...na boses ng isang mabait, malambing at bibong batang babae.

Siya rin ang naglapat ng boses ni Annie...ang mama ni "CEDIE" Ang Munting Prinsipe. Isa ring Japanese animated series na kinagiliwang panoorin ng mga bata sa ABS-CBN at marami pang iba.

Totoong nakatutuwa at kahanga-hanga ang kaniyang kakayahan bilang voice talent. Ang pinakagusto ko ay ang pagbibigay buhay niya sa karakter ng isang bata...maging babae man ito o lalaki.

Sa ngayon...ang mga programa niya sa DZRH kung saan maririnig ang kaniyang galing sa voice acting ay ang....UKAY-UKAY NI MANANG KIKAY...mula sa Direksiyon ng batikang writer -director na si Mr. Fundador Soriano. Kasama rin siya sa ITO ANG PALAD KO....at ilan pang mga drama program.

Saturday, July 4, 2009

ALEX ARETA (Komiks and Radio Drama Writer)

Isang larawan na kuha sa tahanan ni Edna Diaz (naging misis ni Alex). Mula sa kaliwa gawing likuran , ako (ganie), Rose Ferrer, Edna Diaz, Gigi Masigla, Lot Mercado at Alex Areta. (Mga komiks Writer)



Isa sa dati kong kasamahan sa komiks si Alex...di matatawaran ang kaniyang kakayahan sa pagsusulat. Nang magsimula ako sa komiks...isa na siya sa mabentang writer dahil sa estilo ng kaniyang pagsusulat. May kalaliman ito at talagang merong nilalaman.

Ayon sa kaniyang mga kuwento sa akin naging editor din siya ng komiks ng MASS MEDIA PUBLICATION at hinawakan niya roon ang mga komiks na SAMURAI, 143 Komiks, at MURDER Komiks ng kung ilang taon, subalit mas pinili niya ang maging freelance writer ng mga panahon na kasikatan pa ng mga komiks.

Marami din siyang naisulat na pocket books....na alam kong nagpaibig at nagpakilig sa mga mambabasa. Kung nawala man ang pangalang Alex Areta sa mga cover ng Tagalog pocketbooks...di ibig sabihin noon ay di na siya nagsusulat. Patuloy pa rin siya subalit sa pangalang ALTHEA ARETA. Ginamit niya ang pangalan ng kaniyang nag-iisang anak na babae. Siya ang naging bunga ng pagmamahalan nila ng isa ding dating komiks writer na si Edna Diaz.

Ngayong wala na ang komiks...hindi pa rin siyempre natatapos ang pagiging writer ni Alex dahil ang isang magaling na manunulat na kagaya niya ay laging merong mapupuntahan. Sumusulat siya ng serialized story sa tabloid at ilang horror magasin. Maging ang pagsusulat ng script sa radio drama ay napasok niya.. writer siya ngayon ng MAALALALA MO KAYA radio drama over DZMM. Maging sa ITO ANG PALAD ko ng DZRH under VG Productions kaya patuloy niyang ibinabahagi ang kaniyang talento sa larangan ng pagsusulat. Maririnig ang kaniyang mga isinulat na kuwento sa mga nabanggit kong radio drama program.

Mas lalo kung nakilala ang isang magaling na writer na si Alex Areta ng makasama ko siya sa pagsusulat sa radyo. Kahit mas nauna ako sa kaniya sa pagsusulat ng radio drama script masasabi kong kakaiba ang estilo ni Alex...bagay na kaniyang kaniya lamang.


Thursday, July 2, 2009

STUPID LOVE

Stuart Lingat Jr. ( nasa dulong kaliwa katabi ko)

First Issue ng STUPID LOVE BOOK


Sina Amelia Lince at Stuart Lingat Jr. , mga dati kong kasamang writer sa Komiks ang siyang pinagkatiwalaan ng ng PSICOM Publishing para sa first issue ng Stupid Love Book na binubuo at kalipunan ng mga nakakakilig na kuwentong pag-ibig. Ang bawat kasasaysayang nakasulat dito'y tunay na kasaranasan na pinagpaguran ng dalawang manunulat na buuin at pagsamasamahin. Binigyan nila ng konting anghang at tamis ang mga kuwento upang higit na maging maganda na aakma sa panlasa ng target readers.


Ang unang issue ng nasabing aklat at pure english. Subalit ng mga sumunod na issue ay naging taglish na ito ayon na rin sa kahilingan ng mga mambabasa upang higit na makuha ang puso ng Masa na dito'y tumatangkilik.
Mula sa pagsusulat ng mga kuwento sa komiks...kung saan na rin napadpad ng maalong dagat ng kapalaran ang dalawang manunulat na aking nabanggit. Si Amelia Lince na bukod sa pagiging abala sa pagsusulat sa mga libro ng PSICOM ay nagsusulat din siya ng radio drama script sa programang "Ang Pinagpapalang Sambahayan" na isinasahimpapawid sa DZEM AM Radio 995khz. Samanatalang si Stuart Lingat naman paminsan minsan ay nagsusulat pa rin ng sa tagalog pocketbooks at may isang maliit na negosyong inaasikaso ayon sa ibinalita sa akin. Ilang lang sila sa mga naging kasama kong komiks writer na hinanap ang ibang landas pagkatapos na tuluyang mawala ang komiks industry.

Gayunpama'y patuloy nilang ginagamit ang kanilang angking talino sa pagsulat sa ibang larangan. Sapagkat tunay na mahirap iwan ang pagsusulat dahil para sa akin ang pagiging manunulat ay wala lang sa isip lang ng tao...wala sa interes dahil kailangang kumita ng pera...kundi nasa dugo na bahagi na ng pagkatao na hindi basta maaalis at tuluyang maisasantabi.

Iwan mo man pansamanatala ang makinilya at itago sa isang kahon...kalimutan mo man ang pagtipa ng keyboard ng iyong computer...isang daan at isang porsiyento na babalikan mo ito upang isulat ang mga ideyang nabubuo sa iyong isipan...na nagbabakasakali na sa mga darating na araw ay mapakinabangan!

AUGUSTO VICTA ( Veteran Radio Talent/Director and TV/ Movie Actor)


Isa sa magaling na artista sa pelikula na nagsimula rin sa radyo ay si Augusto Victa o Tata Ogot kung tawagin ng mga kasamahan niyang drama talent sa radyo!

Bata pa ako'y totoong pamilyar na sa akin ang kaniyang itsura at pangalan dahil madalas ko siyang napapanood noon sa telebisyon maging sa mga pelikula. Kaya laking tuwa ko ng makaharap siya ng personal at makasama pa sa trabaho. May mga naisulat na rin akong script sa dating drama program na...May Pangako ang Bukas at Mr. Romantiko na kung saan siya ang gumanap sa lead role na totoong nagpahanga sa akin dahil sa galing ng kaniyang pagganap.

Hindi matatawaran ang talento niya sa larangan ng pag-arte maging sa radyo o pelikula. Naging direktor din siya ng drama program ni Tiya Dely Magpayo na kung saan isa ako sa sumusulat.

Sa mga pagkakataong nakaka-usap ko si Tata Ogot...binibigyan niya ako ng mga pointers sa pagsusulat bagay na nagpapasaya sa akin. Dahil alam ko na mas marami na siyang naipong kaalaman at karanasan sa nasabing larangan.

Isa si Tata Ogot na hindi nakakahiyang lapitan at makausap na tiyak magiging palagay ang iyong loob. Lalo na sa tulad ko na noon ay baguhan sa pagsusulat.

Isa rin siya sa haligi ng radio drama sa ating bansa na hanggang sa ngayon ay patuloy na ibinabahagi ang kanilang angking galing. Siya na patuloy na nagbibigay buhay sa ikagaganda ng radio drama. Gaya ng lagi kong sinasabi na isang magandang opurtunidad na nakilala ang mga taong dati'y aking hinahangan ... na makakasama ko pala ng personal at makakatrabaho pa.

Monday, June 29, 2009

SUSAN LEMON (Radio Drama Talent)

Susan Lemon kasama ang kaniyang idolo na si Ms. Susan Roces.


Isa sa magaling na radio drama talent ng DZRH drama program si Susan Lemon. Asahan na ang bawat karakter na ibibigay sa kaniya ay mabibigyan niya ng buhay...maging batang babae, batang lalaki....matanda, kontrabida at siyempre bida! Nagtataglay siya ng magandang boses na kaibig-ibig pakinggan.


Ayon kay Ate Susan taong 1979 ng siyang mag simula sa radio. Nag-audition siya sa DZRH na pinangangasiwaan ang Drama Production ng panahong 'yon ni Mr. Froilan Villegas at ni Mely Tagasa. Mapalad naman na nagustuhan siya at napasok sa grupo. Subalit tulad ng ibang mga radio drama talent...nag-umpisa rin sila sa mga single lines...at wala pang bayad 'yon.


Subalit ang lahat ng pagtitiyaga ay nagkakaroon ng magandang bunga. Ayon sa kaniya may pamagat na "DAMBANA" ang kaniyang unang drama program.


Isa siya ngayon na madalas gumaganap sa lead role ng iba't ibang radio drama sa DZRH. Kung saan mapapakinggan ang kaniyang galing sa voice acting. Bukod pa rito'y gumagawa rin siya ng mga radio commercials, nagdu-dubbing din siya sa mga Koreanovela at anime na ipinapalabas sa telebisyon. Bukod doon minsan ay nagiging talent din siya sa mga drama program sa telebisyon. Kaya versatile na masasabi si Ate Susan Lemon....radio man o TV na-penetrate niya.


Mabait na kaibigan si Ate Susan....madaling lapitan at nagbibigay ng opinyon sa aking mga isinusulat na script.

Ilan sa mga programa niya ngayon sa DZRH ay...Dolorosa, Crisanto Salvador, Romantiko, at iba pa! Maaaring bisitahin ang kaniyang Friendster account...para sa iba pang impormasyon tungkol sa kaniyang trabaho at nais kumuha ng kaniyang serbisyo.

Sunday, June 28, 2009

SEVERINO REYES


Si Lola Basyang ay bahagi na ng daan-daang alamat ng mga Filipino. May tunay na Lolang Tandang Basyang ang pangalan. Pero nang ang matanda ay bigyan ng tinig ng panulat ni Severino Reyes, siya ay naging mahiwagang bukal ng mga kuwentong kumakayag sa mga kabataan sa daigdig ng mga pakikipagsapalaran.
Bilang isang Filipino hindi dapat mawala at maging bahagi ng bawat buhay ng isang batang pinoy ang tungkol sa mga kuwento ni Lola Basyang. Ang maipakilala sa bagong henerasyon ang tungkol dito...malaking tulong ang mga aklat upang makilala at malaman ng mga bata ang tungkol sa ...Mga Kuwento Ni Lola Basyang na bahagi ng mayamang panitikang Pilipino!

MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG

Kapatid ng Tatlong Maria
Ang Prinsipe ng mga Ibon

Ang Mahiwagang Biyulin


Ilan sa mga Kuwentong isinulat ni Severino Reyes na muling isinalaysay ni Cristine Bellen sa ilalim ng Anvil Publishing. Ang nasabing mga titulo....Ang mahiwagang Biyulin, Ang Prinsipe ng mga Ibon at Ang Kapatid ng Tatlong Maria ay isinadula naman sa Radyo (DZRH) noong September -December 2008....12:15 -12:30 PM. Ito ay isinalin para sa radyo ng inyo pong lingkod (Ganie Jalamanan) na sa direksiyon ni G. Fiding Belisario.
Si Ms. Luz "Ditse" Fernandez ang siyang Lola Basyang. Kasamang mga radio talent dito ay sina Bobby Cruz, Susan Lemon, Betty Roxas, Marichu Villegas, Eddie Legaspi, Mike Perez, Ben Mercado, Eloisa Cruz Canlas at Lolit Del Mundo....mula naman sa Musika ni Boboy Salonga.
Nagkaroon din ng bersiyon nito sa entablado.... sa pamamagitan ng pag- sayaw (ballet dancing) sa pamumuno ni Mam Liza Macuja Elizalde na ipinalabas sa Aliw Theater.

PAALAM....MICHAEL JACKSON (King of Pop)


Sino nga ba ang hindi nakakilala kay Michael Jackson? Isang music icon na may malaking kontribusyon sa musika. Hindi man siya Pinoy pero...malaki ang naging impluwensiya niya sa atin. Natatandaan ko pa....dekada 80...halos lahat ng nakaririnig ng kaniyang musika ay napapa-indak. Sino ba ang makalilimot sa dance music na...Billy Jean, Beat It...at ang pikasikat na Thriller. Madalas nga isinasayaw ito ng mga estudyante sa mga school program.

Sa larangan ng komiks....naging paksa din ng ilang mga kuwento ang tungkol sa kaniyang estilo...ang kanyang pananamit. Bitin at hapit na pantalon na litaw ang medyas. Ito ang kaniyang naging signature oufit! Ngayong wala na siya at namatay sa cardiac arrest ( June 19, 2009)....di man na natin siya makikita na sumasayaw o kumakanta...subalit sa ating gunita...ang kaniyang musika ay mananatili sa ating isipan at ala-ala. Dahil ang mga ito'y naging bahagi ng ating buhay! Paalam, Michael Jackson!

Thursday, June 25, 2009

PINOY PAPERBACKS (Tagalog Pocketbooks)





Ilan sa Pocketbooks na aking isinulat. (2001)


Published and Distributed by G.P. Nepomuceno Enterprise

Ilan sa mga pocketbooks na aking naisulat.


Sa aking pagkaka-alala...kasikatan pa ng komiks (taong 1980) ng may mabasa akong Tagalog Romance Pocketbook. Nasa elementarya pa lang ako noon. Ito ay sinulat ng mga sikat na Nobelista sa Komiks... Twin-Hearts Pocketbooks...ito ang natatandaan kong pangalan. Nasundan ng Valentines Romances...at kung anu-ano pang pangalan ng libro. Lahat ito'y pang Masa. Hanggang sa naging laganap ito at nabibili na rin sa magasin/komiks stand. Marami pang mga small publication ang pumasok sa pag-pu-publish ng pocketbooks. Ang may ari ng imprenta...sila na rin ang editor at proofreader...basta makasabay lang sa trend dahil totoong mabenta sa merkado.


Naglitawan na rin ang iba't ibang pangalan na hindi mga komiks writer. Maraming tumangkilik ng tagalog Pocketbooks. Nagkaroon ng Lover Story for Adult, Teen Ager, Horror, Suspense, Mystery at kung anu-ano pa. Naging series na rin ang estilo ng iba...upang makuha ang interes ng reader at sundan ang kasunod na kuwento.


Kung maraming nagsulputang pinoy pocketbooks...ito'y naging daan din ng unti unting pagbabago ng interes ng ibang mambabasa. Bahagyang nabawasan ang komiks reader at napunta sa pagbabasa ng pocketbooks. Maging ang mga komiks writer ay nagkaroon ng ibang mapupuntahan. May nag-concentrate sa pagsusulat ng prosa para sa pocketbooks... dahil mas malaki ang kita rito.


Ako man ay sumubok din... at kahit paano'y may mga title din akong na-publish. May love story...at may roon ding horror stories!


Sa ngayon, nabawasan na rin ang nag-i-imprenta ng Tagalog Pocketbooks. Dahil hindi na itong kasing lakas gaya ng datin. Tanging ang sikat na PHR o Precious Hearts Romances ang nagpapatuloy nito at totoong nakilala dahil sa kanilang de kalidad na kuwento na nagpapakilig, nagpapa-ibig at nagbibigay ng impormasyon sa mga mambabasa!

Tuesday, June 23, 2009

LUZ FERNANDEZ (Veteran Radio Drama Talent)


Bata pa ako'y naririnig ko na sa mga drama sa radio ang kaniyang pangalan. Isa sa pinakamagling na radio drama talent, at character actress din sa TV at pelikula...siya ay si Luz Fernandez...o "Ditse" ( ATE sa mababaw na tagalog) kung tawagin siya ng mga kasama niya sa trabaho partikular sa taga radyo! Masayahin...at palabiro...iyon ang pagkakilala ko sa kaniya. Noong una ko siyang nakaharap...naroon ang kaba pero napawi 'yon ng makilala ko siya.

Sa aking pagkakaalala...isa sa programa niya na aking napakinggan noon bata pa ako na isa siya sa mga talent doon ay ang Tagalog Version ng dramang "Flordeluna" sa DWWW 630...at ang karakter na ginagampanan niya ay isang kontrabida! Hindi matatawaran ang kaniyang angking talino sa voice acting. Kung ano ang hinihingi ng karakter...asahan mo...maibibigay niya 'yon ng buong husay.

Nang ako'y mapadpad sa pagsusulat sa radyo...di ko inaasahan na si Ditse...ay isa sa hahawak ng aking naisusulat na script at bibigyang buhay ito. Wala sa hinagap ko na ang dating napapakinggan ko lang sa radio ay makakasama ko...at magiging direktor ko rin. Dahil siya ang director ng radio program na Mr. Romantiko sa DZRH at isa ako sa sumusulat.

Kahit matagal na siya sa radio drama...nakikita kong bago pa mag-umpisa ang recording hawak na niya ang script at pinag-aaralan na niya ito. May hawak siyang panulat upang itama ang dapat itama at palitan ng mas angkop na salita ang dialog upang maging madulas itong sabihin. Kaya naman kapag simula ang recording...maasahan mo...madalang siyang mag-buckle...at naibibigay ng buong husay ang karakter na kailangan ,maging ang angkop na emosyon na siyang nagdadala sa nakikinig upang magalit...maawa at masuklam sa karakter na kaniyang ginagampanan.

Siya rin ang nagbigay buhay kay Lola Basyang ng muling isahimpapawid sa DZRH nitong nakaraang taon, September 2008 ang radio drama na...MGA KUWENTO NI LOLA BASYANG. Tatlong kuwento ang binigyang buhay sa radio...mula sa original na panulat ni Severino Reyes...at isinalin ko naman sa radyo.

Masarap makatrabaho ang tulad ni Ditse dahil isa siya sa pinakamarami ng nalalaman at karanasan sa radyo na naibabahagi sa mga bagong salta sa nasabing larangan. Isa siyang haligi ng radio drama sa ating bansa...isang karangalan na makilala ko at maging bahagi ng aking mundong ngayon ay ginagalawan. Isa siya sa aking hinahangaan at inspirasyon upang pagbutin ang ating ginagawa.

Sunday, June 21, 2009

G. NESTOR MALGAPO



BOOK 5 - Perspective

BOOK 3 - The Human Figure


BOOK 4 - Head, Hands and Feet
BOOK 2 - The Female Figure

DYNACOIL BOOKS



DYNACOIL



DYNACOIL - Dynamic Concept Illustated....isang home study program na itinatag ni Mr. Nestor Malgapo....na isang beteranong comics artist. Taong 1990 ng akong mag-enroll thru correspondence o sa pamamagitan ng sulat...ang mga lesson na itinuturo niya ay mababasa sa kaniyang mga libro...mula sa book 1 hanggang book 10. Ang bawat libro ay may kaukulang assignment na kailangang tapusin ng isang estudyante...upang maipadala ang sketch o drawing assignment sa pamamagitan ng koreo...at ibabalik ito sa estudyante sa parehong paraan na lakip ang grado. A -excellent ,B -good, C- better, D-failed. Sinunggaban ko ang opurtunidad na ito noon dahil ang nais ko talaga' y maging isang magaling na komiks illustrator dahil totoong maliit pa ako'y pagguhit na ang aking nais.

Marami rin akong natutunan sa pag-aaral kong ito...na improve ang aking kakayahang bumuo ng imahe ng tao...ang tamang posisyon ng katawan...galaw ng kamay at paa...at maging ang kailangang emosyon ng bawat karakter ayon sa sinasabi ng eksena.Gayunpaman marahil ay sadyang hindi para sa akin ang pagguhit sa komiks...kaya natuon ang aking interes sa pagsusulat.

Labing siyam na taon na rin ang nakalipas...pero aking itinago at totong iningatan ang mga ala-ala ng ako'y maging isang estudyante sa Dynacoil Home Study Program. Sapagkat bahagi ito ng aking nakalipas. May mga komiks illustrator na alam kong naging estudyante rin ng nasabing programa na nagbukas ng pinto para mapasok ang industriya ng komiks. Wala na ang komiks...kung nasaan man sila ngayon alam kong naging mahalagang bahagi ng kanilang buhay ang natutunan sa nasabing Home Study Program.

Sa ngayon...si Mr. Nestor Malgapo ay patuloy pa ring naibabahagi ang kaniyang angking talino sa pagguhit. Dahil madalas kong makita ang kaniyang mga obra sa isang religious magasin! Wala pa ring pagbabago sa kaniyang mga likha na totoong naroon ang puso at tunay na alagad ng sining!






SHOCKER FUN CLUB


Isa ang Shocker Komiks na nilalathala ng GASI Publication ito ang siyang pinakamabentang Horror komiks na ng unang i-publish ay mas makapal kumpara sa pankaraniwang komiks...sa aking pagkakatanda ay 48 pages ito...na puno ng nakakatakot na kuwento na totoong kinagiliwan ng mga mambabasa. Katunayan sa dami ng taga subaybay nito ay kung anu-anong pa-kontes ang naging gimik para sa higit na ikasisiya ng mga mambabasa. Naroong magkaroon ng drawing contest...pati ang kilalang horror character sa Hollywood film na Friday the 13th...na si Freddy Krugger ay naisipan ng editor na gamitin sa contest. Lilikha ng isang karakter na magiging bride ni Freddy Krugger...isa ako sa sumali pero di naman ako pinalad na mapili kahit finalist. Pero okay lang 'yon at least nag try ako!


Bukod dito ang editor ng time na 'yon na isang babae...si Mam Cecil, ay bumuo rin ng fans club para sa mga Shocker Comics fanatics...marahil mga taong early 90's iyon. Ito ay tinawag na SHOCKER FUN CLUB...na ang bawat magiging member ay padadalhan ng ID card...at may karapatang makapagsulat ng horror story na ipi-feature sa nasabing komiks. Sapagkat ang nasabing komiks ay may nakalaang pahina para sa Shocker Fun Club Member. Isa ako sa nagka-interes na sumali dito...na may ID number 1008. (nasa larawan sa itaas)


Ito rin ang nagbigay daan para ma-publish ang kauna-unahan kong kuwento sa komiks na pinamagatang....KAHILINGAN SA KANDILANG ITIM...hindi libre ito...kundi binayaran ang aking nilikhang kuwento. Nakalulungkot nga lang na nawala ang kopya ng nasabing kuwento.


Marahil hindi lang ako ang dating Shocker Comics reader na nagkaroon din ng pagkakataon na maging bahagi ng Komiks industry....na nakapagsulat din sa komiks na minsan ay tinangkilik...at naging bahagi ng buhay!


Friday, June 12, 2009

Remembering ...BARYO BALIMBING

Nasa larawan ako...si Christian, at ka Marlou Ruallo kasamahan naming voice talent at
si Ka Manding De Guzman. (writer /Director)

Ang Baryo Balimbing ay isang komedyang pang radyo na ilang taon din umere sa DZEC 1062khz AM Station mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 12:00-1:30PM. Sa programang ito ang lahat ay maaaring pag-usapan...dito tumatakbo ang istorya ng Baryo Balimbing na isang weekly series. Tinatalakay dito ang mga issue sa lipunan, showbiz at iba pa? Information sa iba't ibang bagay na may kabuluhan upang malaman ng mga listener. Subalit sa paraang komedya na kagigiliwan ng mga nakikinig. Ang Baryo balimbing ay pinamumunuan ni Chairman Dante played by Manding De Guzman na siya ring Director...kasama si Rose Nalundasan na isang magaling din na voice talent na gumaganap naman bilang Saling na asawa ni Chairman Dante. Kasama rin dito ang maraming talent...na may kani kaniyang nakatutuwang karakter na nagdaragdag ng rekado sa takbo ng mga pangyayari...na tunay na riot sa kalokohan at katatawanan. Nakaka miss din ang samahang nabuo ng mga talent sa programang ito...na talagang mahirap kalimutan. Isa ako sa writer nito kaya nakita ko ang samahang nabuo sa bawat sabadong recording ng nasabing radio drama...nakakamiss talaga...kaya lang ang lahat ay laging mayroong katapusan.

Sino si Mr. Romantiko?


Ang Mr. Romantiko ay isang radio- drama program sa DZRH...na sa ngayon ay ini-ere tuwing ala una hanggang ala una y medya ng hapon...lunes hanggang Sabado. Isa itong love story...na ang bawat kasaysayan ay nilalakipan ng love song. Na sa dakong huli ng drama...ay naroon ang pagbabasa ng tula at pagbati mula sa mga listener at ito'y binabasa ni Mr. Romantiko. Para sa akin...pang Masa ang format ng programa. Isa ako sa pinagkatiwalaang sumulat ng mga kasaysayan dito. Marami rami na ring kasaysayan ang aking naisulat dito...dahil nag-umpisa akong maging writer nito noon pang 2001. Kasama kong writer din dito si Corazon Cruz De Jesus at Didith marasigan. Mula ito sa direction ng isa sa magaling at haligi ng radio drama sa Pilipinas...isa rin siyang character actress sa TV at pelikula...si Ms. Luz Fernandez na kung tawagin ng mga kaibigan at kakilala particular sa drama production ay "Ditse"


Pero...sino nga ba ang nasa likod ng malamig at makatang pagbabasa ng tula? Sino ba si Mr. Romantiko? Siya po si Mr. Salvador Royales...na siyang may concepto rin ng nasabing programa. Isa siyang magaling na writer sa radio at pelikula. Ayon sa kaniyang kuwento sa akin...siya ang kauna-unahang sumulat ng Maalala Mo Kaya sa ABS-CBN...na may pamagat na "Sapatos". Marami siyang isinulat na pelikula sa Seiko Films...at may mga Radio Drama rin siya na ginawang pelikula....isa sa natatandaan ko ang "Kailan Mahuhugasan ang Kasalanan" at "Kapag Langit Ang Humatol" na pinagbidahan ni Vilma Santos, na pawang naging block buster. Kaya hindi matatawaran ang angking talino ni Mr. Romantiko sa pagsusulat. Mula sa kaniya marami rin akong natutunan na ini-aapply ko ngayon sa aking pagsusulat sa radio drama. Kaya masasabi ko na mapalad ako na nakilala ko ang isang taong tulad niya.

Sunday, May 31, 2009

SEIKO STAR- Rodel Velayo -(Guest Star in Mr. Romantiko radio drama (DZRH)


Isa sa drama program na sinusulatan ko sa DZRH ay ang Mr. Romantiko (2006). Isang weekly episode doon na aking sinulat ay pinagbidahan ni RODEL VELAYO..dating Seiko Star kapareha niya ang magaling na drama talent na si Susan lemon. Pagkatapos ng recording konting posing para sa picture sa loob ng recording room bilang souvenir.

Monday, May 18, 2009

PAANO NGA BA NAGSIMULA ANG LAHAT? PAANO AKO NATUTO AT NAGKA-INTERES SUMULAT NG MGA KUWENTO SA KOMIKS AT RADIO?

Nag-umpisa ang lahat sa isang musmos na pangarap....sa interes na may kaugnayan sa kulutura at panitikan. Pero hindi naman ang pagsusulat ang talagang nais ko noong maliit pa ako...kundi ang pagiging isa dibuhista...gumuguhit ng mga larawan sa komiks. Iyon ang gusto ko...dahil bata pa ako'y hilig ko na ang pagguhit....hindi pa man ako marunong magbasa lagi ko na ng pinagmamasdan ang mga dibuho sa komiks. Naging bahagi na kasi ng aking kamusmusan ang komiks...kasama ang mga kapatid ko...uma-arkila kami...sampung sentimo pa yata noon ang rent ng komiks sa aming kapitbahay sa Caganhao...isang baryo sa bayan ng Boac, probinsiya ng Marinduque. Taal akong taga roon....at ipinagmamalaki ko ang aking probinsya.
Ang totoo nga naiinis sa akin ang aking mga nakatatandang kapatid...dahil kailangan kapag magbabasa sila ng komiks...dapat malakas yon...iyong naririnig ko habang ako naman ay nakatingin sa mga drawing na naroon.
Kasabay ng komiks....naroon na rin ang hilig ko sa pakikinig ng mga drama sa radio...natatandaan ko nga...dalawang station ang palitan naming pinakikinggan ng panahong 'yon mga 70's....nagapapatalbugan noon ang DZRH at DWWW sa pagkakaroon ng magagandang drama program. Sino ba naman ang makalilimot sa drama program na ....ZIMATAR, TAGANI, GABI NG LAGIM, YAYA MARIA....FLORDELUNA...at marami pang iba na kapwa tumatak sa isipan ng bawat tagapakinig ng radyo.
Pagkatapos ko ng high school....nagtungo ako ng Maynila hindi para mag-aral kundi upang makipagsapalaran sa pagtatrabaho... hindi kaya ng magulang ko na makapag-aral ako ng college. Sa nagtrabaho akong janitor....hanggang naging machine operator sa isang pabrika. Nagkatrabaho man ako....hindi nawala sa isip ko ang pangarap ko na maging komiks illustrator. Dahil may trabaho ako....linggo linggo hindi lang pitong komiks ang aking binibili... dito ko rin nadiskubre ang pagtuturo ni Mr. Nestor Malgapo ng pagguhit para sa mga nais maging komiks illustrator...nag-enroll ako...sa pamamagitan ng koreo ay nag papadala ako sa kaniya ng mga art works ko...at binibigyan niya ito ng grade. DYNACOIL (Dynamic Concept Illustrated) ang pangalan ng kaniyang itinayong home study program...sa kaniya ako natutong gumuhit na may sinusunod na patter at module. Nang inaakala kong okay na ang aking pagguhit...naglakas loob akong magtungo sa GASI at ATLAS Publication para ipakita ang aking drawing. Pero umiling lang ang editor...dahil hindi pa raw sapat ang kakayahan ko sa pagguhit...nagpatuloy ako sa pagsasanay....pero laging bigo ako. Iniisip ko kailangan din ng backer para makapasok at maging komiks illustrator.
Hanggng di inaasahan sa pagbabasa ko ng komiks na True Horoscope stories...nakita ang isang ads tungkol sa comiks scriptwrting....isang crash course na tatagal ng isang buwan pero tuwing araw lang ng sabado. Nagpa-registered ako...at doon ko rin nakita ang editor na hinahangaan ko noon si Mr. June Clemente. Sa kaniyang tirahan sa Sucat, Bicutan ang lugar ng seminar...mga sampo kami roon....isa na nga lang ang naaalala na nakasama ko si...Rose Ferrer...wala na rin akong balita tungkol sa kaniya. Ang iba kong nakasama ay di ko na matandaan ang pangalan. May mga guest speaker din kami roon...mga kilalang komiks writer na time na 'yo...si DG Salonga na kapatid ni Pablo Gomez at si Preciousa Relles. Iyon ang naging simula ng pagsusulat ko sa komiks.
Unang nalathala ang aking komiks script sa Shocker Komiks ng Gasi....ikalawa ay sa True Horoscope na buhay ko mismo ang aking isinulat. Part time lang ang aking pagsusulat noon dahil nagta-trabaho ako. Dahil imposible na para sa akin ang maging dibuhista...itinuloy ko na lang ang pagsusulat sa komiks... iniwan ko ang aking trabaho sa pabrika at nag full time na ako sa pagsusulat.
Dahil namamayagpag ang komiks ng time na 'yon...1990's....tamad na lang ang di kikita ng maayos sa pagsusulat. Kaya ang komiks na rin ang nabukas sa akin ng pinto upang makapag-aral ako ng college....nag-enroll ako sa NEw Era University....at kumuha ng kursong AB Mass Comm. ang kinikita ko sa pagsusulat sa komiks ang siyang ginastos ko sa pag-aaral.
Taong 1995 unti unti ng humihina ang komiks dahil sa pagsulpot ng family computer at iba pang electronic gadget na naging libangan ng tao.... pero lumaban ang komiks at nagkaroon ng mga pocketbooks....nakapagsulat din ako ng pocket books. Pero nagpatuloy ang paghinga ng sale ng komiks...at nabawasan ang mga ito. Ako naman ay naingganyong pumasok sa radio bilang drama talent....sa himpilang DZEM...sa pagtuturo ni Ka Rubos Abellera, na "Tatang" kung aming tawagin. Siya ang nagtiyaga sa pagtuturo sa amin...at natutunan ko na rin ang pagsusulat ng radio drama scripts. Ang unang script na aking ginawa ay para sa programang...Ang Pinagpapalang Sambahayan...na in-air sa DZEM.
Iyon na ang naging simula ng pagsusulat ko sa radio....hanggang sa nakilala ko si Eloisa Cruz Canlas o Lola Sela...na nagbigay sa akin ng sample script para sa programa ni Tiya Dely...ang Say Mo, Say ko....at maging sa comedy na...Baranggay Numero Uno na si Mang Fiding Belisario naman ang direktor. Hanggang sa nabigyan na rin ako ng pagkakataong makapagsulat pa sa iba't ibang radio drama program....at doon na nga nag simula ang lahat....at hanggang ngayon ay sinisikap kong ibahagi ang aking mga pananaw at makapagbigay ng inspirasyon at aral sa pamamagitan ng sinusulat kong script para sa mga taong patuloy na sumusubaybay ng mga radio program sa DZRH...na tanging hangad ko'y maaliw sila... dahil alam kong mayroon pa ring mga taong patuloy na nagmamahal sa radio drama ...sapagkat naging bahagi ito ng ating pagiging Pinoy.
Narito ang ilan sa mga radio program na sinulatan ko....noon at ngayon...

PROGRAM / DIRECTOR
Baryo Balimbing (DZEC) 1999-2004 / Manding De Guzman
Mga Mukha ng Buhay (DZEC) 2000-2003 / Robus Abellera
Ang Pinagpapalang Sambahayan (DZEM) / Rolando Madayag/Marlou Ruallo
Barangay Numero Uno (DZRH) / Fiding Belisario
Say Mo, Say Ko (DZRH)/ Augusto Victa
Tiya Dely (DZRH)/ Augusto Victa
Mr. Romantiko (DZRH)/ Luz Fernandez
May Pangako ang Bukas (DZRH)/Salvador Royales
Hinding hindi ko Malilimutan (DZRH) /Betty Roxas
Hukumang Pantahanan (DZRH) /Jun Legaspi / Bobby Cruz
Ito Ang Palad Ko (VG Prod. -DZRH)/ Nick de Guzman /Tony Angeles

Drama series na akin ng sinulat:
Polaris (2004-2005) DZRH / Fiding Belisario
Aquario (2005-2006) DZRH
Bionika (2006-2007) DZRH
Mga Kuwento Ni Lola Basyang (2008) DZRH